Wednesday, June 20, 2007

ANG DAKILANG BAYAN

Ang dakilang bayan sa silangan pinagmamsdan,

Karikitan ng kanayunan, lahat hinahangaan

Mga bundok at batis, maging mga kabukiran

Lahat napapahawak kamay kapag napapagmasdan


Ang dakilang bayan, sa dagat pulo pulo

Malalaki,t maliliit ang pagkakabuo

Dalampasigan, buhanginan at mga bato

Lahat namamangha sa gandang taglay nito


Ang dakilang bayan gamit na wika binubuo

Nang maraming wikang ginamit pa ng mga katutubo

Iloko, Pangasinense, Tagalog, Pampanggo,

Waray, Ilonggo, Bisaya, at chabakano


Ang dakilang bayan, magigiting yaring mamamayan

Una nang ipinamalas ng mga katutubong nakipaglaban

Si lapu lapu sa Mactan, Si Sulayman sa Kamaynilaan

Maging ang mga Muslim sa may kahilagaan


Anu't ano nagkakagulo sa dakilang bayan

Mga mamamayan nito, tila di nagkakaunawaan

Hidwaan kabi-kabila ang pinagsisigawan

Unti unting nilulusaw kanyang kaningningan


Lubhang nakalulungkot ang mga pangyayari

Sa dakilang bayan na dinadakila parati

Nagkakagulo, di nagkakasundo yaring mga dai

Dahil sa kapangyarihang, lahat ibig mamithi


Kailan kaya maiisip ng kanyang mga dai

Ang kanilang paninira sa bayan ng mga lakambini

Upang madakila muli di lamang ng sakop na lahi

Kundi maging ibang lipi dito muli mabighani


Sana di pa huli ang ibangon pang muli

Ang magawang dakila, ang bayang pinupuri

Katulad ng perlas sa dagat, sa kanya ay itinaguri

Nang mga magigiting mapagmahal nating mga bayani


Sana di pa mahuli, ang ibalik ito sa dati

Na kilala't dinadakila, pati ng ibang lipi

Maisip at magawang muli, ng kanyang mga dai

Kagandahan at kaunlaran nitong bayang itinatangi

Tuesday, June 19, 2007

Si Judas Iscariote at ang mga Pilipinong Pari

Minsan sa akin pagbabasa ng bibliya, aking napagtuunan ng pansin, ang isang apostol ni Jesus, na si Judas Iscariote, Isa siya sa mga apostol ni Jesus na bata, matalino, at may kahusayan sa pakikipag usap at talastasan. Bagamat batid na ni Jesus kung ano ang kanyang magiging parte sa buhay nito ay inanyayahan pa din siya ni jesus bilang isa sa kanyang mga apostol. Ang pinakasukdulan ng kanyang pagkakakilanlan sa bibliya ay ang kanyang pagbebenta kay Jesus sa mga Punong Pariseo noon. Na kung saan kanilang kinikilala si Jesus bilang isang rebeldeng nagnanais na ibagsak ang pamahalaan noon. Ngunit batid nila na di naman talaga ang nasa isip nilang yaon kundi ang nanganganib nilang relihiyong kinikilala. Sa madali't salita ayaw nilang mawala ang kanilang kinayayapitang puwesto sa kanilang relihiyon noong mga panahong iyon.

Anong dahilan bakit nagawa ni Judas ang mga bagay na yaon samantalang nakikita naman niya ang mga milagro at lakas na pananampalataya ni Jesus sa Ama. Na kung saan sa lahat ng Milagrong ginawa ni Jesus ay isa siya sa mga saksing di pinagkaitan ni minsan. Sa anong dahilan kaya ang nasa isip niya noon at bakit ganun na lamang katampalasan ang kanyang ginawa. Oo batid natin na buhay niya ang ipinalit niya sa pagiging sinungaling at pagbenta niya kay Jesus sa mga puno ng relihiyong namamayani sa panahong yaon. Ano kaya talaga ang malalim na dahilan?

Sa aking pagbabasa, at pag aanalisa, iisa ang pumapasok sa aking isipan noong binabasa ko ang bibliya, maging nang isinusulat ko ang ang sanaysay na ito. Kulang ang pananalig nito sa kanyang sinasamahan, sapagkat nang mga paanahong yaon, isa siyang bata, may aking katalinuhan, at kahusayan sa pakikpagtalastasan, kaya marahil nawalan siya ng pananampalataya kay Jesus dahil marahil sa taglay niyang kagalingan. Ito marahil ang nagtulak sa kanya para ibenta si Jesus kapalit ng tatlumpong pirasong pilak. Marahil dahil sa di mapagmataas at mapagpakumbaba ang Panginoong Jesus, ito marahil ang nagtulak kay Judas, sapagkat marahil sa isip niya, na ang pinuno ay di dapat nagpapakumbaba at nagpapaalipin sa mga alipin kaya marahil naisip niyang ipagpalit si Jesus sa kaunting pilak mula sa mga Pariseo.

Ang kanyang kawalan ng tiwala at pananampalataya ang marahil na dahilan kaya niya nagawa ito. Sapagkat kung siya aay may malakas na pananalig at tiwala kay Jesus, maraahil di niya gagawin yaon. Ano sa inyong pwede pang maging palagay?

Ang mga Pilipinong Pari sa Pilipinas ay tunay na makikitang nakikihalubilo sa mga usaping pangkomunidad. Nakakatuwa sapagkat di lamang nila isinesentro ang kanilang sarili sa pagiging pari ng simbahan katoliko, mapapansin silang nakikisalamuha maging sa usaping pampamahalaan. Nakakagalak sapagkat di lamang sa salita na Diyos sila nag aambag sa pananampalataya ng mga Pilpino kundi pati sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.

Sa mabilis na pag uunawa lahat aay kanilang ginagalawan. Sabagay di nga naman nila hahayan na mabulid sa dilim ang kanilang mga nasasakupan. Sino nga naman ang hahayan mong mamuhay sa kasalanan at kadiliman ang iyong mga mananampalataya, gayun iyon ang itinakda ng langit, ay ang pamunuan ang mga mamayan sa pagkilala at palakasin ang pananalig sa Diyos na siyang lumikha.

Ngunit sa paglipas ng panahon, mukhang nalilihis na rinang ibang Pilipinong pari, katulad ni Judas nagkukulang na rin ang kanilang pananalig sa Diyos na lumikha. Di na rin yata sila naniniwala sa Milagro ng langit o sadyang nahatak na sila ng kalaban ng Diyos at sila na din ay nahatk na sa Dilim.

Natatandaan ko pa ang sabi ng Lola ko tungkol sa kasabihan sa mga kapampangan. Na kapag mayroon daw isang miyembro ng pamilya ang naglilingkod sa Diyos, iyon ay isang malaking swerte, kasi raw may isa ng miyembro ng pamilya ang nagdarasal sa kanila na upang sila ay maligtas. Kaya tuwang tuwa sila kapag may miyembro ng pamilya ang nagpari o nagmadre. Pakiramdam kasi ng pamilya na isa ang lipi nila ang nagugustuhan ng langit. Kaya kapag may miyembro ng pamilya ang naglilingkod sa Diyos, lahat sila ay nagagalak at nagbubunyi.

Pero nitong nagdaang eleksiyon, mukhang nabago ang pananaw nilang yaon, ano kaya ang dahilan at hiyaan nilang ang anak ng kapampangan ay iwan sumandali ang paglilingkod sa Diyos ng dahil sa kawalan ng pananalig? Nakausap ko ang ilang mga kaibigan ko sa Pampanga at natanong ko sila tungkol sa kanilang bagong Gobernador, Karamihan sa kanila natutuwa kasi baka sakali raw ay magbago ang uri ng pamamahala sa kaanilang probinsya kung Pari ang mamumuno sa kanilang probinsya. Sabagay naisip ko na ang lahat ng Pilipino ay may karapatang mamuno kapag siya ang pinili ng taumbayan. Lalo na at may kakayahan itong mamuno ay talaga namang may mabuting hangarin sa bayan. Bigla kong naalala ang nabasa ko tungkol sa saligang Batas natin na kung saan meron nakasaad doon ang paghihiwalay ng simbahan sa pamahalaan. Sumagot ang isa sa mga kaibigan ko na nag "leave" naman daw muna sa pagpapari ang kanilang bagong Gobernador. Dito lalong dumami ang aking mga taong sa aking mga kaibigan. na kung saan di naman pwesto sa Gobyerno ang kaniyang iniwan na kung saan na pwedeng mag leave muna sa kanilang trabho sa Gobyerno upang sila ay makasali sa Eleksiyon, na tulad ng mga kawani ng pamahalaan na gustong kumandidato. May isa pang tanong ang siyang lalong nakapanghilakbot sa aking isipan, na ang isang alagad pala ng simbahan ay kayang iwanan ang Diyos Ama sa pagkalat ng kanyang mabutihing balita sa kanyang mananampalataya. Nang dahil lamang sa disgusto sa kasalukuyang namumuno ay nakayang iawanan ang itinakdang gawain na iniataang sa kanya ng langit. Marahil nakalimutan niya o di nabasa ang isang talata sa sa bibliya na kung saan tinanong si Jesus kung tungkol sa nagongolekta ng buwis. Ang mga mamayan noon marahil ay marami din ang may disgusto sa namamahala noon kaya nila natanong si Jesus. Kumuha ng isang pilak si Jesus at tinanong niya ang mga tao kung kanino larawan aang nasa pilak na tangan niya. Sumagot ang mga tao na larawan ni Ceasar. Kaya ang isinagot ni Jesus, ay ibigay ang kay Ceasar at ang ibigay ang paraa sa Ama. nakalimutan kaya ng mga Pilipinong Pari ang Mabuting Balitang ito at sila na ngayon ay nakukuha nilang iwan at huwag ibigay ang para sa Ama kundi sumama na rin sila kay Ceasar?Kawalan kaya ng pananalig sa Diyos kaya sila ay nakikisali na rin sa pamamahala ng Gobyerno ? kahit ang kanilang iiwan sumandali ay ang dakilang paggawa nila para sa ikalalakas ng pananalig sa Diyos ng mga tao?
Huwag naman sana, pag nagkataon, mawawalan na nang tagaakay ang mga Pilipinong nangangailangan ng gabay tungo sa kagustuhang mangyari ng Dakilang Lumikha, Sana makaunawa sila sapagkat nakakalungkot, nakukuha nilang iwan ang Dakilang pastol dahil sa kawalan ng pananalig, Huwag sanang tuluyang mabulag ang mga tagaakay, sapagkat di pwedeng maging tagaakay ng bulag ang isang bulag.

Saturday, June 16, 2007

N A N A Y

Ako'y napaluha ng ang aking nanay ay iwan ko

Upang sa kabilang ibayo, ako'y magtrabaho

Kay sakit pala ang ganitong yaring tagpo

Ang iwanan ang nanay lumuluha sa iyong paglayo.



Hawak yaring mga kamay habang ako'y pinagmamasdan

Umuusal ng dasal para sa aking kaligtasan

Batid niyang di gawang biro aking patutunguhan.

Dalangin sa Poong Maykapal tanging nalalaman



Huwag kang lumuha aking nanay

Anak na lilisan dala iyong pagmamahal na tunay

Sa inyong mga turo at pinamalas na paggabay

Makaasa kayong mabubuhay akong matiwasay



Aking Nanay, kailanman di kita malilimutan

Ako ay babalik upang ikaw ay aking muling mahalikan

At ang aking mga tagumpay na pinagsusumikapan

Ay ihahandog sa iyo aking dakilang Nanay.

Ang saligang batas ng Pilipinas

Ang ating saligang batas ay tunay na maganda at mahusay sapagkat kaniya itong kinikilala ang lahat ng mamayan, kanilang karapatan ay kanya itong tinitiyak. Sa lahat ng saligang batas sa mundo, ang tanging saligang batas natin ang kakaaiba. sapagkat di lamang niya kinikilala at ginagarantiya ang mga maliliit na mamamayang Pilipino, binibigyan pa niya ito ng kapangyarihan na maipakita ang kanilang lakas sa kongreso sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang tagapamagitan sa kongreso.
Kaya ang kasalukuyang saligang batas ay marapat na manatili sa kanyang pagkakagawa lalung lalo na sa uri ng pamahalaan kanyang itinakda. Kung mayroon pang dapat rebisahin o amyendahan, ito ay ang sistema sa pagpili ng ating mga senador. Upang sa gayun ay mapakita nitong lubos na kanyang kinikilala ang lahat ng mamayan na di tinitingnan ang bilang o geograpiyang kanyang nasasakupan.
Ang pagpapalit sa kasalukuyang saligang batas ay di nararapat, lalo na di ito naayon sa kasysayan at kaisipan ng mgamamayang Pilipino. Isinilang bansa at ang mga Pilipino na kakambal na kapangyarihan, ito ay ang malayang makapili ng kanilang pangulo, ito dapat isaisip ng mga politiko. Kaya di naging matagumpay ang parliyamentong pamahalaan na itinatag ng saligang batas ng pamahalaang Marcos sapagkat di iyon nababagay sa kaisipan at kagalingan ng mga mamamayang Pilipino. Totoo na ang Parliyamentong Pamamahala ay maganda ngunit di sa sambayanang Pilipino. kaya dapat ay iwaksi na sa isipan ng mga politiko ang baguhin ang nakatalagang saligang batas.
Maraming mahuhusay at magagaling na politiko ngunit sila ay di kilala, sapagkat di sila yaong politikong nagtatago sa saya ng media, Sila ay nasa mga probinsya. Sila ay di sumasali sa Pambansang halalan sapagkat wala silang tustusan ang malawak at magastos na kampanya, kaya sila ay nagkakasyana lamang sa mga probinsyang ginagalawan. Gusto man nilang iambag ang kanilang galing para sa ikahuhusay ng bansa, ito ay kanilang di magawa dahil sa magastos at mahal na halalang pambansa. Kaya yaong may pera na lamang ang nakakasali sa halalang pambansa, kung mayroon mang sasali dito, tiyak ay matatalo sapagkat wala ang mga ito ng kakayahan makapangampanya at makapg ikot sa buong bansa. Ang isa pa ay di nila kayang tustusan ang mahal at magastos na pabalisidad. Di tulad ng mga mayayamang politiko, na kahit walang kakayahang mamuno ng bansa, dahil sa kanilang salaping pantustos at kakayahang magbayad para magkaroon sila ng magandang pablisidad kaya sila ay nananalo. kaya tuloy pati media imbes na maging kaakbay ng mga mamamayan ay nagiging bahagi pa ito upang paghiwalayin ang sambayanan. Dahil sa kanilang kapangyarihan, imbes na tulungan ang bayan at ang sambayanan, sila ay nagiging punyal pa para hiwain ang pulso at pagkakaisa ng bayan at kanyang nasasakupan.
Mainam siguro upang makilala ang mga mahuhusay na politiko na ang tanging mithi ay ang pagsilbihan ang baya, siguro marapat na amyendahan ang saligang batas sa sisteman pagpili ng ating mga senador. Ito ay upang ganap namasabing ang saligang batas natin ay tunay na kumikilala at nagbibigay kapangyarihan sa lahat, mayaman man o mahirap ay binibigyan niya ito ng puwang sa pulitika upang makasali ang mga ito. At higit sa lahat nakakatiyak na ang lahat ay nabibigyan ng tamang tagapamagitan sa paggawa ng ating mga batas. At pati ang ating mga kababayang Muslim ay malaya din silang makapili ng kanilang tagapamagitan sa senado.
Makakapili na ng senador, ang lahat makakatitiyak pa na di magastos at mabilis ang magiging bilangan kung ang paraan ng pagpili ng mga senador ay sa bawat rehiyon magmumula. Ang isa pang mainam nito ang lahat ng senador ay tiyak na magmumula sa lahat ng bahagi ng bansa at di magmumula lahat sa Metro Manila o sa Luzon.
Mainam siguro kung sa bawat rehiyon ay magkakaroon ng 2 senador. ang NCR ay 2 din, ARMM ay 2 din, at ang CAR ay may dalawa din. Kung mayroon tayong 12 rehiyon at tatlong iba pang rehiyon, pipili tayo ng 30 senador. ang 15 ay pipiliin sa midterm election at 15 naman ay pipiliin kasabay ng halalang pampanguluhan. Sa halip na pipiliin silang Nasyunal, ito ay pipiliin na lamang sa baawat rehiyon. Sa gayun ang senador nakandidato sa rehiyong yaon, ay sa nasabing rehiyon lang siya mangangampanya at di na niya kailangaan pang mangampanya sa buong bansa. Ang isa pang kagandahan nito, ang mga Comelec sa bawat rehiyon ay tiyak na magtatrabaho, di tulad ng kasalukuyang sistema ng bilangan sa senado ang punong tanggapan pa ng comelec ang siyang nangangasiwa ng bilangan at ang mga regional comelec opisyal ay tagamasid lamang sila. mainam na sila ay magtrabaho din sa bilangan at bilangin nila ang mga boto ng mga naglalabang senador sa bawat rehiyon.
Kapag naging ganito ang sistema ng pagpili sa Senador, tiyak na mawawala na ang media grandstanding ng mga politiko, at higit sa lahat makakapili na tayo ng mahusay na Mambabatas sa mataas na kapulungan, na kahit iba iba pa ang kanilang partidong sinasamahan, maliit man o malaki ay may tsansa iton manalo At higit na maganda pa dito ay mache check at mababalanse talaga ang pamahalaan.
Sana maaisip ito ng ating mga mambabatas. Di kailangan palitan ang uri ng pamahalaan ng Pilipinas. At di na rin kailangan pang gawing Federalismo ang bayan, ang tanging kailangan natin ay ayusin at itama ang sistema sa pagpili ng mga mambabatas natin lalo na sa Senado upang ang lahat ay mabigyan ng tamang pagkilala na tulad mangyari ng saligang batas sa kasalukuyan, ito ay ang bigyan ng sapat naa kapangyarihan maging ang maliliit na mamayan.

KAKALUNGKOT, KAKAHIYA, HUWAG NAMAN SANA...

Nakakalungkot na kung saan manggagaling ang katagang "NO TO PAPAL VISIT" sa isang alagad ng simbahan may mataas pang katungkulan sa simbahang Katoliko. Lubhang nakakalungkot... at nakakabahala, dahil lamang sa disgusto sa kasalukuyang pamahalaan, pati ang usaping pampapalakas sa pananampalatya ng mga Pilipino ay kanya ding hinahadlangan.
lubha akong nalungkot sa pakikihalubilo ng mga alagad ng simbahan sa usaping pampamahaalaan, Batid ko na may karapatan silang makihalubilo bilang isang mamamayang Pilipino, pero dapat din sana nilang isipin na ang kanilang ginagalawan ay naiiba sa usaping pampamahalaan. OO di nila dapat hayaan ang kanilang nasasakupang na mapunta sa kapangyarihan ng dilim. Kung ang Pamahalaang Arroyo sa kanyang pananaw ay nababalutan ng dilim, marapat na hatakin niya ito sa liwanag hindi yaong tuluyan niyang wag nang bigyan ng liwanag. Siguro nakalimutan na ng alagad ng simbahan na si Kristo na ating Dakilang Diyos ay pumunta sa lupa hindi para sa mabubuti kundi para sa mga makasalanan. Maging ang butihing pastol, di niya inaalaala na mawala ang siyamnaput siyam na kanyang alagang tupa, upang hanapin lamang ang nawawalang isa. Ito dapat ang pakatandaan ng alagad ng simbahan, hindi yaong itulak lalo sa dilim ang nawawalang mananampalataya at idawit pa ang iba ng dahil lamang sa disgusto sa kasalukuyang pamahalaan. Nakakalungkot...nakakahiya
Dapat sana ay tumulong siya kung paano masasagip ang pamahalaan maging ang mga mamayan sa nalulusaw na pnanampaalataya ng mga Pilipino ngunit sa halip ay nagiging balakid pa ito sa pagpapalakas ng pananampalataya. Nakakahiya...
Ako ay isang katoliko, na ang tanging pangarap ko ay ang madala ko ang nanay ko sa Vatican, upang sa gayon bago man lamang siya pumanaw ay kanyang marating ang Banal na lugar na pinili ng Diyos at masilayan ng personal ang pinaka alagad ng simbahang Katoliko ang Banal na Papa. Na kahit paano ay makakadagdag ako sa malakas na pananampalataya ng Nanay ko sa Diyos at sa simbahang katoliko...Ngunit ng mabasa ko ang balita na kung saan ang isang alagad ng simbahan at mabasa ko ang kanyang sinulat ako ay nabahala...
Huwag naman sana... at lalo sigurong mabuti ay huwag ng makihalubilo sa usaping pampamahalaan, sapagkat nagiging bulag na din siya sa pag akay sa liwanag sa mga nalulusaw na pananampalataya ng mga Pilipino sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.
huwag na po sana... kakalungkot...kakahiya...